Super Inday, Pagtatanghal Bilang Reimahinasyon ng Kondisyon ng/sa Paglaya

This article is made possible by our patrons supporting us through Thrive Art Gallery.

Ang sining ay kasangkapan sa pagkamit ng ganap na kalayaan. Ito ang “dating” at “galing”1 ng Super Inday, isang kolaboratib na pagtatanghal ng mga babaeng nakabilanggo o persons deprived of liberty (PDL) mulang Iloilo City District Jail-Female Dormitory na gin-curate ni Rosa Zerrudo sa Iloilo Museum of Contemporary Art (ILOMOCA). At dahil isa lamang kasangkapan (instrument) ang sining sa pagkamit ng ganap na kalayaan, malinaw na hindi inaako ng Super Inday, na ito ang tanging daan upang tuluyang mapalaya ang lahat ng mga babaeng bilanggo na kabahagi ng nasabing pagtatanghal. 

Sa ganitong pagmamalay, gusto ko nang ipauna na ang tungkulin ng sining, sa konteksto ng pagtatanghal ni Zerrudo ay isa ring akto ng protesta na magpapatibay sa larang ng sining bilang mapagpalayang praktika2. Na bukod sa ekspresyon ang sining3, ito rin ay tagapanguna sa makataong kaunlaran, sosyal, at indibidwal na humuhubog sa ating aktwal na buhay na damdamin4.  Malinaw na hinahamon at gina-interrogate ng pagtatanghal na ito ang pagtingin ng publiko at lipunan sa mga PDL, lalo na sa mga babae, at maging ang mga panlipunang isyung nakakawing sa kanila na patuloy nilang pinagdurusahan kasama ang kanilang pamilya.

Ang museo bilang mapag-arugang espasyo ng mga naisasantabi

May tungkulin ang mga museo sa bansa upang ma-amplify at mapagtibay pang lalo ang tinig at tindig ng mga babae, at mga babaeng artist sa lipunan. Sa sanaysay na How to Love a Museum5, nabanggit ang kahalagahan ng mismong pakikisangkot ng museo sa mga bagay na itinatanghal ng kanilang koleksyon. Gin-highlight dito na kailangang pagtuunan ng pansin ng ating mga museo ang direksyon patungo sa tuluyang pag-educate sa publiko, lalo na sa mga guro at estudyante. Sa panahong hindi prayoridad ng marami ang pagpunta sa mga museo kung gusto nilang maunawaan ang isang bagay tungkol sa kanilang nakaraan at kasalukuyan, malaking hamon para sa mga museo kung paano pananatilihin ang importansya ng kanilang mga pisikal na espasyo (physical space) sa panahon ng pagiging digital ng halos lahat. 

Magandang banggitin ang konsepto at halaga (significance) ng pagsasalin (translation) at bilinggwalismo (bilingualism) sa mga pagtatanghal, lalo sa usapin ng direktang pag-educate sa publiko. Mapahanggang ngayon, sa Ingles pa rin nakasulat ang marami sa mga impormasyong matatagpuan at mababasa natin sa loob ng ating mga museo, lalo na dito sa Panay. Halimbawa, ang curators note ni Zerrudo na nakasulat sa Ingles ay puwede na sanang isalin sa Hiligaynon, at pareho-sabay na itanghal. Sa tingin ko, pagkakataon ito upang tuluyang mailapit sa komunidad at mga ordinaryong tao ang mensaheng dala-dala ng Super Inday. Aminin man kasi natin o hindi, intimidating pa rin para sa publiko, at maraming guro’t estudyante sa ating mga rehiyon sa bansa ang paggamit at pagsasalita ng Ingles. Makatutulong na balansehin ang ganitong pagtingin kung sisimulan na nating gamitin ang ating mga lokal na wika, isalin, at gawing bilinggwal ang ating mga pagtatanghal lalo pa’t naka-situate naman ang mga ito sa ating mga lokalidad. 

Kung tunay na gusto ng ating mga museo, artist, at curator na kausapin at ilapit sa publiko ang sining, marapat lamang na gamitin ang wika ng publiko, o ang wika ng masa na sa matagal na panahon ay tunay namang naisantabi sa mga usaping may kinalaman sa sining at kultura. Sa ganang akin, hindi na lamang pagtatanghal ng estetika ang mismong pagtatanghal. Sa paggamit ng wika ng masa, o ng mga wika sa ating rehiyon (Hiligaynon, Kinaray-a, o Aklanon) para sa mga pampublikong pagtatanghal na mangyayari dito sa Panay, higit na kinikilala nito ang partisipasyon ng publiko para sa isang makabuluhang pagpapakahulugan at pagkunsumo ng sining na kayang makipag-usap kahit sa pinaka-ordinaryong Filipino. Kaya nakikita kong kasangkapan ang konsepto ng pagsasalin sa mga caption sa dingding, online press releases, at maging sa mga souvenir program upang masimulan ang malay (conscious) na pagkilala sa kahalagahan ng publiko sa tuluyang paglaya ng sining mula sa mga prebelihiyadong espasyo (places of privilege) at nakasanayang uri ng pagtatanghal.

Feminisasyon ng espasyo bilang dokumento ng karahasan

Malayo mag-isip si Zerrudo sa mga kasabayan nitong Ilonggo curator sa kasalukuyan. Ang konsepto niya bilang cultural worker na lubog (immersed) sa danas pangkababaihan, lalo na sa komunidad ng PDL ay naging malaking tulong upang ma-elevate niya mula sa kasiyahang pang-estetiko (aesthetic pleasure) ang Super Inday patungo sa isang malay na feminisasyon ng espasyo na kinikilala ang kapangyarihan ng sining para mabago ng mga tao ang anumang kalakarang hindi kanais-nais sa mga sistema ng lipunang ginagalawan nila6.  

Ang ideya ng pagtatanghal na ito ng Super Inday ay isang malinaw na komentaryo hindi lamang sa paraan ng pag-imaginereimagine sa babae, at ng babae bilang artist. Nililinaw ng pagtatanghal na hindi lamang isang libangan o pansarili ang sining. Isa itong behikulo upang kausapin ang publiko, at tuluyang makipagdiyalogo sa pamamagitan ng pagsisiwalat (disclosure), pagkukuwento, at pagdadambana ng mga kasawian at tagumpay ng kababaihan sa mga personal nilang pakikipagsapalaran sa lipunan. Tinatangka rin ng pagtatanghal na ipaalala sa publiko na nagpapatuloy ang karahasan sa mga babae sa mismong komunidad natin, kaya patuloy na magsalita at lumikha ng makatotohanang sining na ang layunin ay makapagpamulat, at pumapanig sa tunay na marhinalisado at naisantabi. 

Ang mga halimbawang sining na makikita sa pagtatanghal katulad ng Inday Hugot Fabric Book, Mama Carabao Soft Sculpture Avatars, Inday Dolls, Altar ni Inday, Anting-anting ni Inday, Bato, Bala, Bata Beaded Installation, Pak na Pak si Inday, Kon Ako Bayo, Sin-o si Inday, at Duyan sang mga Damgo ni Inday ay tahasang sumasalok ng inspirasyon sa danas ng isang babae bilang nanay, kapatid, at anak. Hindi lamang sapat na bigyan ng pagpapakahulugan sa nakikitang kulay at hugis ng dalawang mata, at nasasalat ng kamay ang mga sining na itinatanghal sa Super Inday. Ang konsepto ng pagiging interactive ng pagtatanghal ay nasa mismong akto ng pagbasa ng tekstong literal na nakakabit-sabit sa mga manika at damit. Kailangan itong “basahin” upang maunawaan kung saan at ano ang pinanggagalingan, at kung bakit at paano ito nalikha ng artist

Ang maganda sa Super Inday, hinahayaan nitong magsalita ang babae at artist bilang iisang tao. Litaw na litaw ang iba’t ibang mukha ng paglaya at resistance sa mga sining, ngunit hindi nakalilimot ibalik ang pagpapakahulugan ng sariling sining bilang paraan ng pag-interrogate sa socio-ekonomikong kondisyon ng mga babae sa lipunan. Lumampas na ito sa ideya ng bulaklak, vagina, at regla bilang reimahinasyon ng metaporikal na realidad. Ngayon, naka-situate ang imahinasyon ng mga PDL sa isang partikular na sandali ng ating panahon: na hindi tayo ganap na malaya, dahil may mga katulad nilang biktima ng estado na patuloy na ninanakawan ng karapatang pantao, panlipunan, at pangkabuhayan. 

Reimahinasyon ng Kondisyon ng/sa Paglaya ng Sining at Sarili

Ang kagustuhang lumaya ay litaw na litaw sa damdaming inihahain ng Mama Carabao Soft Sculpture Avatars, Altar ni Inday, Kon Ako Bayo, at Duyan sang mga Damgo ni Inday. Mula sa pagsasampay, pagdidikit sa pader, pagtungtong sa pedestal, hanggang sa ang akto ng pagtingala upang masilayan ang mga naka-display na sining na mas mataas sa tao ay nagpapahiwatig ng kagustuhang lumaya. Masasabing ang Super Inday ay isang pagtatanghal na malay sa paggamit ng literal at figurative na espasyo upang magsiwalat ng isang komplikadong usapin tungkol sa kondisyon ng mga babae sa pinakamalikhaing paraan ng pagtatanghal. May ipinapangakong kalayaan ang napakakulay na sining ng mga PDL. 

Sa kabilang banda, ipinahihiwatig rin ng pagtatanghal na ang tuluyang paglaya ng sining at sarili sa isang reimagined space katulad ng museo ay magiging ganap lamang kung tuluyang mapalalaya ang mga babae at artist sa likod ng rehas. At sa araw na makalaya ang mga PDL, kailangan ang patuloy na pag-interrogate sa kondisyon ng paglikha ng sining sa bansa. Hinahamon tayo ng pagtatanghal na ito ni Zerrudo na makisangkot sa mga usaping lampas sa ating mga personal na buhay, lalo na sa mga usaping patuloy na pumipipi at bumubulag sa mga babae upang makilahok sa pambansang pag-unlad. At uulitin ko, hanggat hindi nakalalaya ang lahat ng babaeng kabilang sa nabanggit na pagtatanghal ni Zerrudo ay hindi kailanman magiging “super” ang ating mga “inday”. 

Mga Tala

  1. Bienvenido Lumbera, Ang Dating at Galing sa Estetika ng Ating Panitikan 
  2. Alice G. Guillermo, Protest/revolutionary art in Philippines
  3. Benedetto Croce, Esthetic as Science of Expression and General Linguistic
  4. Susanne K. Langer, Problems of Art
  5. John L. Silva, How to Love a Museum 
  6. Jose A. Arrogante, Pagpapahalagang Sining sa Filipino
Noel Galon de Leon
Noel Galon de Leon teaches Filipino and creative writing at the University of the Philippines Visayas. He won the Palanca awards for his poetry collection in 2018.
- Advertisement -spot_img

Related Posts

Related Artworks

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here